MULING PAGLIKHA

Malaon mo na itong pangarap.

Ibinubulong mong madalas

sa hangin ang katuparan ng hiling

hindi pa man ito dumarating.

Ang libro ng tulang yaon

ay isang paruparong dumarapo

sa sinumang nangangailangan:

ipinapagaspas sa hangin

ang kaniyang mga pakpak

habang unti-unting nahuhulog

ang mga titik at salita

sa ibabaw ng estrangherong dila.

Mahika itong babago sa takbo

ng buhay ng sinumang mapipili.

Lalakad silang tanging wika

ang kinakaladkad sa bawat daan:

at sa sukal ng piniling landas,

guguhit ang mga titik na maiiwan

sa bawat paghakbang: walang ibang

malilikha kundi panibagong tula.

Muli kang bubulong sa hangin.

Comments

Popular Posts