TUGMA
May mga bagay na pilit ituturo
Batubalani sa hintuturo kahit pa tila
Sinasabi ng mundo, harapan:
"Di maaari. Mabibigo ka lang."
Pamantayang pumapantay
Sa mga paa nating nais lamang ay
Maglakbay, masilayan ang kayrami pang
Landasin: bulong sa tainga, mariin
Sa mga kaya at di kayang gawin.
Sa mga dapat at di dapat maging.
Subalit hahakbang ka, lagpas sa simpleng pagsusulit
Na may mga bagay na sa simula'y
Di man tugma, akma
'Pag nagsama'y magpapaalala
Sa mundong paraiso sa ganda.
Bighaning laging bibihag sa mata.
Umigpaw lamang sa kung ano
Ang siyang laging abot-tanaw.
Sa pagtutugma sa mga bagay
Walang ibang sagot kundi ikaw.
Comments
Post a Comment