HALIK SA HANGIN

Pangarap kong maglakad

Gabi sa 'di pamilyar

Na kalye---magpatangay

Sa anyaya ng dama de noche.

Mababatid pa kaya ng pang-amoy

Natatangi mong simoy

Kahit pa malaon nang nilimot

Pagsinta mong dulot?

Magpapatuloy ba sa pagkaligaw

O magpapatangay sa hagayhay?

Lahak ang damit mabaliktad

Upang tamang daan ang matahak.

Sa pag-ibig na piniling waglitin, lisanin,

Tanging sumpungan ang pag-amin.

Bulag akong tagasunod ng hangin.

Aagos sa hihip kahit pa 'di na akin:

Kahit pa 'di ka na muling magiging akin.

Comments

Popular Posts