KUNG LILISAN ANG MAKATA

(kay Elias)

 

Marahil, kung lilisan

ang makata, siya, at ang kaniyang

talinghaga ay magiging isa—isa-isang

matutuklap ang hiwaga ng tinta

sa mga pahina ng kaniyang hininga.

 

Magsasaaklat ang iiwan niyang tinig.

Mamumutawi sa bawat bibig;

dibdib ng lahat ng kaniyang pinili't inibig.

Hagunghong ang malilikha

'pagkat bakas niyang hatid

ay hindi lamang pumpon ng mga salita.

 

Lagi niyang nasa dila ang paglaya.

Patunay na sadyang pilitin mang

paglahuin sa kawalan, limutin,

waglitin sa isipan; ang tula,

ang makata, mananatiling imortal.

 

Pluma niyang tangan ay buhay

na walang hanggan.

Comments

Popular Posts