PAGBABAGO

Lagi kang naghahangad ng langit.

Paglipad. Kulungin ang buong daigdig

sa iyong mumunting mga palad.

Ituring na iyo ang kung anong marating

ng paa—magpatangay sa halina ng luntiang

bukiring ang lupa, puno, damo’t mga bulaklak

ay pawang mahika sa iyong mga mata.

 

Ipinanganak kang may napakalaking mga pakpak.

Pares ng palad ng iyong mga magulang.

Hindi mo kilala ang mukha ng takot o pangamba.

Pag-ibig ang iyong hininga.

 

Hanggang sa nakawin sa iyo ng daigdig ang lahat.

Isa-isang babagsak sa lapag

Ang mga balahibo; marahang-marahang

Magbubukas sa iyo ang tunay na mundo.

Sisikilin ang laya mong magsalita.

Sasairin ang laman ng isip.

Sisiilin ang kaluluwang tanging sandalan

Ng bawat mong pag-iisa.

Magkakamukha ang takot; magsasakatawan

Ang pangamba. Wala kang ibang madarama

Kundi bagabag. Hindi ka makahihinga.

 

Huhubaran ka ng lipunang hinubog

Sa panghuhusga. Edad, uri, kasarian.

Kulay ng balat, ngalan ng paaralan.

Lahat—ng nagbibigay-kinang

Sa noo’y tinataglay mong

makikisig na mga pakpak.

 

Malulugmok ka nang paulit-ulit

Saksak sa likod; iba-ibang matatalas,

Matutulis na bagay ang tatarak

Sa iyong kaibuturan. Lulumpuhin ka

Ng katotohanan.

 

At sa muli mong pagbangon

Makakikilala ka ng mga tulad mo’y

Isa-isa ring tinanggalan ng pakpak.

Pare-pareho kayong makaririnig ng bulong.

 

Wala sa kakayahang lumipad ang paglaya.

Nasa pagtanggap ito ng salimuot

Ng mundong kaytagal nang binalot

Ng inggit, galit, takot, poot.

 

Babagabagin ka ng tanong:

Hahayaan mo bang tuluyang baguhin ka nito

O wawasakin mo ito sa iyong palad

para lumikha ng panibago?

 

Comments

Popular Posts