PINAKAMABIGAT NA TANONG

Sa bawat akto ng pagsusulat

isa-isang rumurupok ang daliri

hanggang ni hindi mo na maiangat

kahit pa sarili mong bigat.

Sa bawat akto ng pagbabahagi

pumupurol ang dila

hanggang hindi mo na maputang-ina

silang nangulimbat sa kaban ng bansa.

Nabubuhay na lamang ba tayo

para lamang mamatay sa dulo?

Isang mahabang panaginip

ang pagmamanunulat sa bayang

pinapanawan na ng ulirat.

Bangungot ang magising

 

sa sandaling huli na ang lahat.

 

---

Gerome Nicolas Dela Peña

Lungsod ng Pasig

Setyembre 12, 2021





Comments

Popular Posts