SA DAKO PAROON

Gusto kong tumakbo nang tumakbo

Habulin ang sariling hininga

Iasa sa tatag ng sariling hita

At talampakan ang lahat.


Sana, wala akong mabangga 'pagkat

Tiyak, hindi ako lilingon-

Pabalik, anuman ang mangyari

Diretso ang tingin, oo, ayokonhg makasakit


Subalit higit ang kagustuhang hindi na

Masaktan. Ang tagaktak ng pawis

Lamig na nanunuot sa kalamnan

Sa katanghaliang tapat


Lahat, bakas ng pagnanais makakawala.

Buburahin ng sapatos ang lahat ng madaanan

Hindi upang sila'y iligaw kundi

Para sabihing wala rito ang tamang landas.


May kani-kaniya tayong binabaybay:

Lakad man sa bangketa o karera sa lansangan

Ng buhay. Tatakbo ako nang tatakbo

Walang humpay, walang katapusan.


Kung saan ako dalhin ng aking mga paa

Sana, doon na sa may bigat ang bawat yapak.

Doon sa mas mabigat ang mga yakap.

Doon na sa di na kailangang may marating


Para lamang matanggap. Doon na maririnig

Ang aking huling mga yabag.


Comments

Popular Posts