SA IYONG TINIG AT TINDIG

(kay Ana Jalandoni)


Ano ba ang naiiwan sa babae

sa tuwing naglalakas-loob siyang

isambulat ang mga hibla ng pribadong

buhay sa madla? Mga pasâ sa mukha

at ilog ng luha na akala niya'y kaniya

nang naapulà. Ang inipong tápang

sa dibdib sa pagitan ng mga buntonghininga;

hiyaw ng mga tao na naiipon sa magkabilang

tainga, dagundong sa mundong naglahòng agaran

nang tindigan niya ang sariling karapatan.

Ang bawat mong panlilibak

sa kaniyang tapang na maglahad

ay busal sa bibig ng bawat ina, dalaga,

asawang ninakawan ng tinig ng dahas.

Ngayon, alingawngaw na ang mga sigaw

sa lahat ng mga walang pintuang silid.

Ang tanging naiiwan sa babae sa bawat lakas-

loob na magsumbong, magsabi, humingi ng tulong

ay dangal na dantaon nang ikinulong.

Impit mang palahaw sa ngalan ng hustisya

pagpili naman sa landas ng pagsulong.


MAY DUGO ANG BAWAT BIGAS


Minsan, sa sobrang pagkasanay mong

Hindi binibigyang-bigat ang bawat butil

Ng kaning isinusubo sa bibig,

Mahuhulog ito sa lapag;

Unti-unti, marahang-marahang

Lilikha ng mapa sa bawat pagbagsak.

Sariling bansa ang makikita.

At sa iyong pagkabigla

Makakagat mo ang sariling dila:

Aagos ang buhay palabas sa labi.

At nang punasan mo

Gamit ang sariling kamay,

Mangingilabot ka sa dugo.

May dugo ang bawat bigas:

Dugo ng magsasakang

Dahil sa kahirapan,

Pinili ang mabuhay,

Pinili ang mag-aklas.



ISTATUS

Ang batas ay batas.
Ang paglabag ay paglabag.
Ang kasalanan ay kasalanan.
Ang karapatan ay may hanggahan.
Ang pagsasalita ay may katapusan.
Lalo na kung Pangulo ang pasasaringan.
Lalo na kung buhay ang babantaan.
Labag ito sa batas.
Isa itong kasalanan.
Wala kang karapatan.
Lalo na kung mag-isa ka lang.
O dalawa. Tatlo.‘Di kaya’y isang grupo.
‘Wag ninyo lang daragdagan pa.
‘Wag ninyo ring babalaking sa EDSA pumunta.
Lalo na kung takot kayo sa batuta.
Marami kaming back-up na ambulansiya.
Libong mga kalasag. Sige sa baril kayo pumalag.
Sasambulat ang inyong utak sa lansangan.
Anong gagamitin ninyong pananggalang:
Ang inyong prinsipyo’t dignidad?
Sanay na kami riyan. Sa alingawngaw, sa sikat
Ng araw. Kung gusto ninyo, sa bundok pa tayo
Magbakbakan! Kami, doblado ang suweldo
Kayo, mapapatahan ba ang sikmura ng inyong mga “ismo?”
Walang silbi ang paglaban habang patuloy
At patuloy kayong nagbubulag-bulagan.
Maniwala lang kayo sa demokrasya. Sa eleksiyon.
Iyon ang katangi-tanging solusyon. Mga alagad kami
Ng kapayapaan. Ng pagkakaisa. Ng pagkakapantay-pantay.
Narito kami para maglingkod at magsilbi. Magbantay.

Mag-istatus na lang kayo sa social media.
‘Wag na kayong lumabas pa ng kalsada
Kung ayaw ninyong magtapos ang lahat sa bala.

-----

Ang mga tulang ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2022.











Comments

  1. ang ganda ng mga tulang ito dahil ito ay totoo. ang totoong tula ay laging pumapalag at lumalaban, laging nagsisiwalat.

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular Posts