Alegorya ng Dunong
Malalagot ang kamay ng sinumang
bubuhat sa pinakamabigat na tanong:
paghahagilap sa dunong
at pagpapanday ng pagbabago.
Bata pa lamang tayo, sinanay na tayo
nina nanay at tatay, o kung sinumang
kasama sa bahay na huwag na huwag
makikisali sa usapan ng matatanda.
Gubat itong di mo dapat panghimasukan.
Umakto batay sa edad! Pagdating ng tamang
panahon, mauunawaan mo rin ang lahat!
Ngayong malaki ka na, naganap ba ang babala?
Tutuklasin mo ang kayraming hiwaga
ng mundo sa serye ng mga pagkakamali.
Kung may sugatang tuhod, saka mo lamang
Maaalalang ang pagluhang lubos ay nakalulunod.
Kung may di maunawaan sa aralin, o bagsak
na marka, saka mo sisisihin ang di pagtulog
nang maaga. Kung may duguang puso,
sasabihin mo, sana di mo ibinigay nang buo.
Ganito ang sumpa ng karunungan. Minsan,
hindi rurok ng bundok ang hangganan
ng lahat. Simula pa lang ito ng sala-salabid
na pakikibakang kailangang pakalagpasan.
Mabigat sa dibdib at balikat ang katotohanan.
Hindi ito para sa lahat. Piring sa mata
ang labis na kasikatan, karangyaan, o kahit pa
kapangyarihan; malungkot ang mabuhay
lalo na kung ang tinataglay ay di palalòng dila.
Intrimitida kung mamumuna. Mayabang
kung maninita. Walang paglagyan
ang mga bagay na totoo sa kalibutang
mas nahihirati sa matatamis na pangako.
Kaya simulan natin sa pagpupunla.
Dakila raw ang taong tumataya sa panahon.
Nagtatanim ng kabutihan sa kapwa
kahit posibleng di na makasilong
sa pagyabong ng mga dahon. Kahit di na
makinabang sa tamis na ibubunga
ng piniling gawang mabuti.
Sa bawat akto ng pagbibigay ng sarili
sa iba, nagtatanim tayo ng libo-libong
mga binhi. Inihahasik natin sa lupa.
Himaymay ito ng ating kabuoan.
Pagkataong hinubog ng ating mga ninuno.
Dantaong kultura't tradisyon ng pakikipagkapwa.
Pagkakaisang makailang ulit sinubok
ng digmaan, kolonyalismo, pandemya.
Magtitipon tayong muli sa ilalim
ng napakatatag na puno ng narra.
At sa kabila ng ating mga pagkakaiba-iba,
mahihimbing tayo sa naglalakihang mga ugat.
Ating matatanto: malalagot ang kamay ng sinumang bubuhat sa
pinakamabigat na tanong: paghahagilap sa dunong
at pagpapanday ng pagbabago.
Tayo ang pundasyon ng mga susunod
na magtitipon sa ilalim ng mayabong na puno.
At sisiguruhin nating ilang bagyo man
ang dumating, di tayo mabubunot sa lupa.
Mananatili tayong nakaugat sa dunong bayan.
Comments
Post a Comment