HAWIG







Minsan, matutulala kang tila

nakakita ng multo—saka pa magdedesiyon

ang mga paang magtulos ng sarili

sa lamig ng kinatatayuan.

Tanong. Bakit nga ba may mga matang

katamtaman lang ang pungay subalit

kaya kang dalhin sa ibang mundo?

May kakaibang kislap sapat

para panginigin ang kalamnan?

May anyayang sindalisay

ng pinakaunang Paskong natagpuan mo

ang sariling nakangiti, kahit pa nahuli mo

ang mga magulang na nagsisilid ng kung ano

sa pulang medyas na sila rin mismo

ang nagkaloob? Matatali ka sa hiwaga:

daigdig lagpas sa tanaw lamang ng mata.


Malulusaw kang tila kandila sa pagninilay

sa pinakamabigat na tanong: nahuhulog ka ba

ngayon sa nasisilayan, o nagkataong

may ibang bangin ang nagmamay-ari sa mga ito?

 

Multo ng kahapong tinatalikdan mo pa rin.

Walang ibang masusumpungang sagot

kundi pagkapuwing.

Comments