SA KAIBIGANG UMIIBIG, TAPIK SA BALIKAT SA IYONG PAGTAWID (kay Denmark)





















(pasintabi kay sir Jerry Gracio)


Tumatawid tayo kapag nagmamahal.

Marahang-marahan, susulyap

sa kaliwa't kanan kung maraming

agam-agam, 'pagkat sino bang hindi 

nag-aalinlangang mahagip

ng rumaragasang kasawian?


Ang turo ng magulang, hindi lang

magtiwala sa paningin: pairalin din

ang talas ng tainga at pandama.

Ang bawat busina, usok, alikabok

lagi nang kasiping ng kalsadang 

inaspalto ng gaspang ng ugali't

nagmamadaling mga sagitsit.

Mag-ingat.


Tumatawid tayo kapag nagmamahal.

At minsan, sa kawalan ng direksiyon

o babala, ang hinahakdawan na pala'y

sariling kamatayan.


Ano ang kayang itaya para makarating

sa kabilang dako? Bakalin ang dibdib

at mamanhid sa dagundong ng bawat pintig.


Nakatatawid lang ang umiibig kung

lilikhain niya ang unang hakbang.

Walang ibang daan tungo sa kaligtasan.


Comments

Popular Posts